Saturday, September 2, 2017

WHAT THE HELL!?! SATAN HIGH VS HELL UNIVERSITY


May nakita kami ng asawa ko na libro kagabi sa National Book Store na sobrang lapit ng konsepto at synopsis sa komiks ko na Satan High. Ang title nung book ay, Hell University (Wattpad). Sa cover pa lang kita na ang isang school na nakakatakot at manga inspired ang dating ng mga characters.


Sa pagsuri pa namin ng librong ito, nagulat ako nung nabasa ko sa likod na tungkol din ito sa isang paaralan na hindi normal at pwede magpatayan ang mga estudyante!

Napilitan kaming bilhin ang libro na ito (na Part 2 na) para mabasa at makita ang loob kung magkakapareho pa sa gawa ko na komiks.

At nalaman namin na ito pala ay hindi komiks, kung hindi ay isang novel. Sinubukan naming basahin pero hindi namin kinya dahil sobrang babaw ng dialogue, tungkol siya sa love story ng dalawang estudyante... yata. Ewan, basta nakakakilabot basahin.

Nalaman din namin na nasa Wattpad ang Part 1 ng Hell University at doon namin binasa ang first two chapters ng libro. At sa unang dalawang chapter pa lang ay masasasbi ko na na heavily influenced ang nagsulat nito sa aking komiks na Satan High.

Bukod sa isang eskwelahan sa kagubatan, kusa nag-eenrol ang mga tao dito. Nagkaparehas din na pinapayagan ang pagpatay ng mga kapwa estudyante, may mga tema ng suicide, mga nakasuot ng purong itim na mga estudyante, mga guro na naka itim din lahat ang pananamit at kuko, at mga salitang tungkol sa mga demonyo at karahasan.


 
Inaanyayahan ko kayong basahin ang unang dalawang chapter ng HU at ihambing sa unang dalawang chapter ng SH (kahit first chapter nga lang eh.) at ikumpara sila sa isa't isa. Babae lang ang kanyang protagonist na nagngangalang Zein Shion at ang akin naman ay lalaki sa ngalang Satan. Halos nag-gender swap lang yung mga tao at characters sa parehong unang chapter.

Hell University: https://www.wattpad.com/226017018-hell-university-published…

Satan High: http://satanhigh.blogspot.com/p/blog-page_26.html

Satan High on Tapastic: https://tapas.io/episode/617020

Oo iba nga ang storya ng Hell U, iba ang mga characters nito (pero hindi padin lahat, kasi may mga similar pa din), at ang kanilang mga sinabi. Iba din ang mga pinagdadaanan nila.

Ngunit ang kinopya ng gumawa nito sa aking gawa ay ang konsepto na isang paaralan ng mga "Satanista" na pwedeng magpatayan sa loob ng eskwelahan.



Pati na din ang mga kakaibang guro at ang mga weirdong mga estudyante na nakaenrol dito... Ultimo nga ang pangalan ng nagsulat nito ay kahinahinalang kinopya sa pen name ko. Ako, na si Marius Black at siya naman ay si Raze WP - KnightInBlack.

Pamilyar ako sa paggamit ng mga characters ng ibang may gawa na gagamitin sa aking sariling artwork o painting. Nilalagyan ko ng mga Digimon at Rockman characters ang aking mga ipinipinta, at walang mali doon dahil alam ng lahat kung sino sila at hindi ko inaangkin na ako mismo ang may likha sa kanila.

Ginagamit ko sila tulad ng paggamit ng fanart, ngunit inaangat ko ang konseptong ito para manging fine art ang fan art.

Pamilyar din ako na gawing inspiration ang isang gawa ng isa pang artist o ibang nauna nang kuwento. Ang isang halimbawa ay ang naging inspirasyon ni Akira Toriyama ang storya ng Journey to the West para sa kanyang manga at anime na Dragon Ball.

At tulad din nya, naging inspiration ko ang X-Men at Hunter X Hunter nung ginawa ko ang unang chapter ng Satan High noong 2001. Walang masama doon, dahil una sa lahat, aminado si Toriyama na ginamit nyang inspirasyon ang Journey to the West at isa pa, wala namang Dragon balls sa Journey to the West.

Gayun din sa X-Men at Hunter X Hunter na walang eskwelahan para sa mga Satanista na maaring magpatayan, Satan High ang una sa isang paaralan na nakaitim lahat ng estudyante at maaring magpatayan sila sa loob, taliwas sa 10 Commandments ni God sa Catholic church.

Ngunit ang hindi ako sangayon ay ang pagkopya ng konsepto o ng isang idea o ng isang kuwento, na kahit ilang beses mo palitan ng damit ay alam mong ito'y kinopya sa iba. At least sina Toriyama na inspire sa ibang gawa, ipapaalam nila sa mga tao na doon nila nakuha ang inspirasyon. They give credit where credit is due ika nga.

 At saka at least yung fan art, alam mong sa isang cartoon, TV show o video game nakuha ang imahe o character. Ngunit ang taong magsasabi na gawa niya ito, at hindi niya kinopya, magsabi man siya ng inspirasyon nya sa ibang bagay ngunit ang kabuuan pala ay ninakaw nya ang karamihan nito sa isang kapwa manunulat na Pilipino pa man din, ito ay isang bagay na hindi ko mapapalampas dahil ang konsepto at idea ko ang kinopya.


Hindi din ako natutuwa sa PSICOM Publishing Inc. na bukod sa hindi nila gaano na spell check ang libro ng Hell University dahil ang daming typographical error at wrong grammar (kaya ang sakit sa utak basahin) hindi din nila ginawa ang research nila kung may kahambing ang isang gawa na ipinublish nila. Matagal na sa Philippine independent comic book scene ang Satan High, more than 15 years na ng sinimulan ko ito.

Marahil ay nadinig o alam din ng mga tiga PSICOM ang existence ng Satan High sa puntong ito. Ang grupo namin na Kuro Saku na gumagawa ng sarili naming komiks at artworks ay lagi halos nagpaparticipate sa mga comic book conventions tulad ng Komikon at mas recently sa Komiket at pati na ang pag promoteng mga gawa namin sa internet.

O hindi kaya, alam talaga nila ngunit naisip nilang wala silang pakialam sa katulad ko? At kung hindi man nga talaga nila alam, ngayon ay malaman na nila. Ano kaya ang kanilang gagawin para sa katulad ko na independent comic book artist na nakopyahan ng konsepto?



Hindi din ito ang unang beses na nangyari sakin 'to para sa aking mga gawa na komiks o artwork. Sa totoo lang, nakakatawa na kopyahin ang gawa mo ng ibang tao at sabihing original nila itong naisip.
Patunay lang na hindi nila gaano ginagamit ang isip nila at naniniwala silang walang makakaalam nito. Nakakatawa sila dahil hindi nila ginagamit sa tama ang imahenasyon nila.

Sabi nga ni Casey Neistat: "A good rule of thumb is this; If you're constantly being told that your work is a copy of someone else's, you're doing it wrong. And if you're constantly being told that your work is being ripped off by someone else, you're probably doing it right."

Oo flattering kopyahin ang idea ko... Pero paano naman kaming mga gumagawa ng original na kuwento at konsepto, lagi na lang ba kaming gagayahin ng mas may kakayahang magpublish ng kanilang gawa?

Paano kaming walang pang-publish ng aming mga gawa, kaming walang mga tulong ng publishing house o pambayad sa pagpagawa ng madaming kopya ng libro at komiks namin?

Lagi na lang ba kaming kokopyahan ng mga kagaya ni KnightinBlack at mas sila pa ang sisikat at magkakaroon ng pangtustos sa pang-araw araw nilang gastusin at pamilya?

Samantalang kaming mga pilit lumilikha ng kakaiba at nag-iisip ng panibagong konsepto at storya ay mamumulubi na lang? Dahil sa huli, kami pa ang lumalabas na nakikita ng madla na "nangopya"?

Hindi ko alam ang gagawin sa sitwasyong ito. Maaaring idaan ko na lang sa korte ang nangyaring ito para may matutunuan na leksyon ang mga kagaya nila. At para din hindi na maulit ang mga ganitong insidente sa mga tulad naming independent comic book artist at writer dito sa Pilipinas.

 

Malamang ay hindi lang ako ang unang taong nakopyahan ng storya at konsepto. Marahil ay may likha pa ako na kinopya din ng iba na hindi ko pa alam. Kaya kung may kilala kayo na makakatulong sa sitwasyon ko na ito, paki private message lang ako kung may maitutulong kayo sa pag liwanag ng sitwasyon na ito.

At sa mga nakakakilala sa mga taong tumulong sa paglabas ng Hell University, nanawagan ako sa inyo na pakiimbistigahan ang pangyayari na ito para naman hindi mawala ang kredibilidad n'yo sa mga taong tumatangkilik at sumusuporta sainyo.

Maraming taong natatakot basahin o buklatin man lang ang aking likhang komiks na Satan High. Ngunit ang hindi nila alam na ito'y isang kuwentong may lamang aral din. Meron itong maituturo sa mga tao na hindi mo akalaing mapupulot mo sa isang komiks na may salitang "Satan" sa title. Ngunit katulad nga ng kasabihan, "Don't judge a book by its cover." Sana ay bigyan n'yo ito ng chance bago kayo matakot.

At sinubukan din namin hindi husgahan ang Hell University sa kanyang pabalat, ngunit kahit nobela ang laman nito at hindi komiks, hindi pa din namin maikaila na Satan High ang aming binabasa kahit may mga pagkakaiba sila sa kadahilanang kung anong binhi, ay siya din ang bunga.

At sa kabila ng lahat, kahit mukhang masama o "evil" ang Satan High, para sa akin, mas evil parin ang nangopya ng isang konsepto at idea tapos ay ipapakalat na siya ang nakaisip nito at pagkakakitaan pa nya.


Hangang dito na lang ba tayo?

Eto na ba ang sining natin ngayon?

Hindi ba natin bibiyan ng pansin ang mga independent komiks at may mga kakaibang gawa? Dahil kung ito nga ay kinokopya nga ng iba, baka mayroong magandang bagay at mahalagang aral ang matatagpuan sa madilim na mga pahina nito.

Hindi ba dapat mas deserving ang original na nakaisip ng konsepto sa mga bookstands sa bookstores?
Hindi ba dapat sa huli, ang ating mas tinatangkilik ay ang kuwento ng mas may kuwentang gawa?
 

-Marius Black
Manila
9/2/2017

Thursday, February 9, 2017

We'll be at ELBI KON 2017!

Dark Greetings!

We will be participating at the The Graphic Literature Guild's ELBI KON on February 18, 2017.
We will be selling back issues, new issues and new title releases so stay tuned!